Pilipina: Mula sa larawan ng lipunan hanggang sa pag-wawasto ng mga nito.
- Kathleen Estrada
- Feb 7, 2019
- 4 min read
Updated: Feb 7, 2019

Mula sa lahi ng birheng pinagpalang mag-silang ng Messiah, sa isang mandirigmang santa na lumaban sa Pransya at sa babaeng anak na nagpanggap na lalaki upang humalili sa kanyang ama doon sa Tsina, sa isang ina na nabiyuda at nagdesisyong ituloy ang laban ng kanyang asawa upang ibalik ang demokrasya sa bansa. Sila ang mga Kababaihan.
Marami na tayong narinig na makabagbag damdaming kuwento tungkol sa kanila. Gayumpama’y ikinakahon sila sa larawang ipininta ng lipunan bago pa man siya nakapagsalita sa umpisa.
Babae, ano ba talaga ang dapat nilang kalagyan dito sa ating lipunan? At sino ba sila sa buhay ng bawat nilalang na sinisilang dito sa ating mundo?
Bilang isang anak, tungkulin ng babae na tulungan ang kanyang ina sa gawaing bahay. Ito’y magsisilbing gabay niya kapag nagkaroon na siya ng sariling pamilya. Kailangan niyang matutuhan kung paano mag-laba, magluto, mag-linis at mangalaga ng bata.
Kaakibat nun ay ang pag-ingat sa sariling puri upang sumimbolo sa kanyang dangal at kalinisan. Ang pag-suot ng wastong damit at pag-kilos ng mahinhin ay inaasahan ng lahat. Mag-aral siya ng mabuti hanggang sa may mahanap siyang asawa ay isang bagay na lihim nilang plano para sa kanila.
Iyon ang tinakda sa ating pang-unawa. Pero hindi ba natin naisip na ang mga anak na babae ay may patas na karapatan at tungkulin sa gawaing bahay sa kanyang kapatid na lalaki.
Kaya niya kailangang pag-daanan ang mga bagay na iyon ay upang matutunan niyang alagaan ang sarili niya lalo na kung matagpuan niya ang sarili na nag-iisa, gayundin sa kanyang pag-aaral.
Malaya siyang makapamili ng kanyang nais suotin sa anumang oras at lugar. Hindi rin maaring ibato ang dahilan na ito sa kanya kung siya ay nagahasa, pagkat hindi niya ito kasalanan.
Kung nanaisin niyang mag-laro ng manika o bola, siya ang bahala. Mag-suot ng mahabang palda o maikling shorts ay 'di alintana.
Ang mga babae anak ay may karapatang mabuhay ayon sa kagustuhan nila.
Bilang isang asawa, tungkulin ng babae na suportahan at pagsilbihan ang kanyang asawa na siyang nag-bibigay ng pangangailangan ng pamilya nila. Hinihintay niya ang kanyang asawa umuwi at asikasuhin niya.
Sa panahon ng unos at problema, nandoon siya upang pagaanin ang kanyang loob. Sila ay nananatiling tapat kahit ito pa’y humantong sa punto na nangangaliwa na ang kanyang kabiyak.
Gagawin niya ang lahat para manatiling buo ang kanyang pamilya kahit nagdurugo ang puso niya, basta sa kanya uuwi ang kanyang asawa, magiging ayos ang lahat.
Ito’y di-patas na asahan sa mga Pilipinang asawa. Hindi nanggaling ang babae sa tadyang ng lalaki, ang lalaki ang siyang lumabas sa kanyang sinapupunan. Bukod sa pagiging kabiyak, siya rin ang nagsisilbing kakampi ng kanyang asawa.
Hindi rin sa lahat ng pagkakataon ang asawa niya ang nag-bibigay ng pangangailangan ng pamilya nila. Minsan sa kanya naipapasa ang papel na ito. Hindi dapat mabahala ang kanyang asawa at ang sarili niya pagkat walang masama dito, tungkulin nilang pag-silbihan, protektahan at mahalin ang isa’t-isa.
Siya ay tao lang, at karapatan niyang tumutol at lumaban sa pang-aabuso sa kanya ng asawa. Maari rin niyang iwanan ang nasabing asawa kung sinukuan na siya nito. Dahil isa siyang tao bago pa man maging asawa, isang taong may sariling isip at damdamin.
Sabi nila’y ang mga kamay na nag-uugoy ng duyan ay ang mga kamay na nagpapaikot ng mundo. Pagkat iyon ang kamay na umaakay sa sanggol hanggang sa siya’y lumaki at maging ganap na mamamayan ng kanyang bansa. Ito ang pinakahihintay ng isang babae, ang maging isang ina.
Siyam na buwan niyang titiisin ang unang pag-subok sa pagiging isang ina hangga’t lumabas ito sa kanyang sinapupunan. Uunahan niya sa pag-gising ang tandang at aasikasuhin agad niya ang kanyang anak.
Hindi siya matutulog hangga’t di bumubuti ang pakiradam ng bata. Sa mga pagkakataon na siya’y kinakailangan na magtrabaho, titiisin niya ang lahat ng hirap, pati na ang mawalay sa piling nito, masiguro lang na magiging maayos ang kalagayan ng anak.
Ang kanin na isusubo na lang niya ay ibibigay pa niya sa anak. Kahit ba’t lumaki na ito at makuha siyang bastusin, hindi magbabago ang kanyang pagmamahal sa sariling dugo.
Anumang sakripisyo ang binubuhos ng ina, ito’y hindi lingid sa kaalaman ng kanyang anak kahit ano pang sama ng loob mayroon ang anak sa kanya. Sana’y di makaligtaan ng ina na kailangan rin niyang alagaan ang sarili niya upang mapagpatuloy niyang gabayan at alagaan ang kanyang anak.
Hindi na maalis sa naka-ugalian na magpatawad sa anak kung nakuha siyang saktan nito, ngunit dapat niyang maalala na dapat din niyang turuan ng tamang disiplina ang kanyang anak na huwag ulitin ito.
Sa tuwing nababalot ng pag-alala at takot para sa kanyang anak, kailangan niyang malaman na ang kanyang anak ay hindi niya anak, sila’y mga anak na lalaki’t babae may buhay at bagamat nanggaling sa kanya, sila’y hindi kanya.
Ang maging isang babae ay isang biyaya at pasakit pagkat ang mga karapatan niya ay minsan nahihigitan ng kanyang mga responsibilidad at ang inaasahan ng lipunan sa kanya.
Ngunit kahit nasa ganitong posisyon siya bilang isang anak, asawa at ina, hindi maalis sa ating kaalaman na siya’y isang indibidwal bago pa man maging mga ito. Isang karangalan ang maging isang babae, ang maging isang Pilipina.
コメント